Ikaw, ako, tayong lahat ay may kanya-kanyang tinatahak na buhay. At tanging tayo rin lamang ang may hawak ng susi patungo sa ating ninanais na marating sa buhay. Bagama't minsan mapagbiro ang tadhana at sinusubok ang ating kakayahan sa bawat pagkakataon. Pero sa kabila noon, kailangan maging matatag tayo na harapin ang bawat hamon sa buhay. Kaya gamitin natin ang ating puso't isipan sa pagdedesisyon sa buhay at handang makipagsapalaran para sa ikakaunlad natin bilang isang indibidwal.
" Hindi masamang mangarap! ", ito'y parte ng ating paglalakbay. Pero bakit tila may humahadlang sa atin sa pag-abot nito. At kadalasan isa na itong dahilan, kailangang punan muna ang mga pangunahing pangangailangan kaya ang mga pangarap naisasantabi. At ang isa pa ay ang mga taong nakapaligid sa atin. Sinasabi nila na wag naman napakataas ng pangarap baka daw di makayang abutin. Di ba libre namang mangarap, basta sa sarili mo alam mong kaya mo at hindi sila ang tanging makakapagpaurong sa iyong gustong tahakin sa buhay. Siguro wala lang sila magawa sa buhay kaya pati sarili mong pangarap nanghihimasok sila para lang pasukuin ka. Basta may tiwala ka sa sarili, tiyak lahat ng gusto mo mangyayari. Natutuwa pa rin ako dahil meron pa rin naman na mga taong hindi nawawalan ng pag-asa na matupad ang minimithing mga pangarap at ipinagmamalaki kong isa na ako rito. Ilan sa ating mga pangarap ay magandang kinabukasan ng ating pamilya, mga kaibigan at higit sa lahat ang ating sariling tagumpay na ang naging daan ay ang ating mga karanasan sa buhay. Mahirap man ang mga pinagdaanan, pero ang mga iyon naman ang nagsilbing tulay para mahulma ang ating pagkatao at masabing, Ang Paglalakbay ay isang Kwento ng Tagumpay.